(Translated By Jose Gatmaytan)
Páalam na, sintáng lupang tinubuan, Bayang masagana sa init ng araw, Edeng maligaya sa ami’y pumanaw, At perlas ng dagat sa dakong Silangan. Iniháhandog ko ng ganáp na tuwâ, Sa iyó yaríng buhay na lantâ na’t abâ, Nagíng dakilà ma’y iáalay rin ngâ, Kung dahil sa iyóng ikatítimawa. Ang nasa digmaan dumog sa páglaban, Handog din sa iyó ang kaniláng buhay, Hirap ay dî pansin at dî gunámgunam, Ang pagkáparoól ó págtátagumpay. Bíbitayá’t madláng mabangís na sakít, O pakíkibakang lubháng mapanganib, Pawang títiisín kung itó ang nais, Ng baya’t tahanang pinakáiibig. Ako’y mamámatay ngayóng minámalas, Ang kulay ng langit na nangánganinag, Ibinábabaláng araw ay sísikat, Sa kabilá niyáng mapanglaw na ulap. Kung dugô ang iyóng kinákailangan, Sa ikadídilág ng iyóng págsilang, Dugô ko’y ibubò’t sa isá man lamang, Nang gumígitî mong sinag ay kumináng. Ang mga nasâ ko, muláng magkáisip, Magpáhanggáng ngayong maganáp ang baít, Ang iká'y makitang hiyás na marikít, Ng dagat Silangan na nakápaligid. Noó mo’y maningning at sa mga matá, Mapait na luhà bakás ma’y walâ na, Walâ ka ng poót, walâ ng balisâ, Waláng kádunguá’t muntí mang pangambâ, Sa sandalíng buhay máalab kong nais, Ang kagálingan mo’t ang paiwáng sulit, Ng káluluwá kong gayák ng áalís, Ginhawa’y kamtán mo, anong págkarikít! Nang máabá’t iká’y mapataás lamang, Mamatáy at upang mabigyan kang buhay, Malibing sa lupang puspós ng kariktá’t Sa silong ng iyóng langit ay máhimlay. Kung sa ibáng araw iká’y may mápansin, Nipót na buláklak sa abâ kong libíng, Sa gitná ng mga damóng masísinsín,, Hagká’t ang halík mo’y itaos sa akin. Sa samyó ng iyóng págsuyong matamís, Mataós na taghóy ng may sintáng sibsíb, Bayaang tumanggáp noó ko ng init, Na natátabunan ng lupang malamig. Bayaan mong akó’y malasin ng buwan, Sa liwanag niyáng malabó’t malámlam, Bayaang ihatíd sa aking liwaywáy, Ang banaag niyáng daglíng napáparam. Bayaang humalík ang simoy ng hangin, Bayaang sa huni'y masayá’t awitin, Ng darapong ibon sa kurus ng libing, Ang buhay payapang ikináaalíw. Bayaang ang araw na lubháng maningas, Pawiin ang ulán, gawíng pawang ulap, Magíng panganoring sa langit umakyát, At ang aking daíng ay mápakilangkáp. Bayaang ang aking maagang págpanaw, Itangis ng isáng lubós na nágmahál, Kung may umalalá sa akin ng dasál, Akó’y iyó sanang idalangin namán. Idalangin mo rin ang dî nagkápalad, Na nangamatáy na’t yaóng nangághirap, sa daming pasakit, ang lumálaganap, naming mga inang may luhang masaklap. Idalangin sampó ng bawat ulilà, at nangápipiít na tigíb ng dusá, idalangin mo ring iká’y matubós na, sa pagká-kaapíng laon ng binatá. Kung nabábalot na ang mga libingan, Ng sapot na itím ng gabíng mapanglaw, at walâ ng tanod kundî pawang patáy, huwág gámbalain ang katáhimikan. Pág-pitaganan mo ang hiwagang lihim, at mapá-pakinggán ang tunóg marahil, ng isáng saltero, itó nga’y akó rin, ináawitan ka ng aking pággiliw. Kung ang libingan ko'y limót na ng madlâ, ay walâ nang kurus at bató mang tandâ, sa nangág-búbukid ay ipáubaya, bungkalí’t isabog ang natipong lupà. Ang mga abó ko’y bago páilangláng, mauwî sa walâ na pinánggalingan, ay makalat munang parang kapúpunán, sa iyóng alabók sa lupang túntungan. Sa gayó’y walâ ng anomán sa akin, na limutin mo ma’t aking lílibutin, ang hímpapawíd mo káparangá’t hangin, at akó sa iyó’y magiging tagínting. Bangó, tinig, higing, awit na masayá, liwanag at kulay na lugód ng matá’t, úulít-ulitin sa tuwí-tuwinà, ang kataímtimán ng aking págasa. Sintáng Filipinas, lupà kong hinirang, dusâ ng dusâ ko ngayón ay pakinggán, bilang habilin ko sa iyó’y íiwan, ang lahát ng taong inirog sa buhay. Akó’y yayao na sa bayang payapa, na waláng alipi’t punong mapang-abâ, doó’y di nanatay ang paníniwala, at ang nagháhari Diyós na dakilâ. Paalam na akó, magulang, kapatíd, bahagî ng pusò’t unang nákaniíg, ipágpasalamat ang aking pág-alís sa buhay na itóng lagî ng ligalig. Paalam na liyág, tanging kaulayaw, tagá ibáng lupang aking kátuwaan, paalam sa inyó, mga minámahál, mamatáy ay ganáp na katáhimikan.